Kinuwestyon ng kampo ng TV host na si Jay Sonza ang pagkaka-isyu ng non-bailable warrant laban sa kanya, na tinawag nilang “highly irregular” para sa kasong unlawful publication.
Ayon sa abogado ni Sonza na si Atty. Mark Tolentino, ang naturang kaso ay karaniwang itinuturing na minor offense na may kaparusahang arresto mayor o multa, at kadalasang pinapayagan ang piyansa.
Dagdag pa niya, sa ilalim ng umiiral na praktis, hindi agad naglalabas ng warrant of arrest ang korte sa ganitong kaso at sa halip ay nagsisimula sa pamamagitan ng summons.
“Given this, the issuance of a non-bailable warrant is… highly irregular and legally questionable,” ani Tolentino.
Inihayag ng kampo na magsasampa sila ng mga kaukulang mosyon sa Pasay Regional Trial Court, kabilang ang motion to recall o i-quash ang warrant of arrest, at hihingi rin ng paglilinaw hinggil sa tamang aplikasyon ng piyansa.
Naaresto si Sonza nitong Huwebes ng gabi sa Quezon City matapos umano’y magpakalat ng maling impormasyon tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon naman sa National Bureau of Investigation (NBI), ipinatupad lamang nila ang warrant na inilabas ng korte, at nasa hukuman ang desisyon kung papayagan ang piyansa.
Sinabi rin ng isang opisyal ng NBI na ang paglalabas ng warrant ay nakabatay sa rekomendasyon ng prosekusyon.














