Nilinaw ng kampo ni Atty. Mans Carpio na hindi nito layuning ipatigil ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte matapos ibasura ng Quezon City Regional Trial Court Branch 81 ang kanilang petisyon kaugnay sa umano’y hindi awtorisadong paglalabas ng kanilang confidential documents.
Ayon kay Atty. Neil Abayon, abogado ni Carpio, wala umanong ibang layunin ang kanilang petisyon kundi mapigilan ang umano’y hindi awtorisadong paglalabas ng confidential documents nina Carpio at VP Sara Duterte.
Ito ay kasunod ng naging desisyon ng QC Regional Trial Court Branch 81 na ibasura ang petisyon dahil sa umano’y kawalan ng hurisdiksyon sa naturang usapin.
Sinabi rin ni Abayon na mistulang napagbigyan na rin ang kanilang kahilingan matapos hindi ituloy ng House Justice Committee ang pagbubukas sa green box na naglalaman ng tax records ng mag-asawa.
Dagdag pa niya, hindi nila itinuturing na malaking problema ang pagbasura ng korte sa kanilang petisyon dahil nagdesisyon na rin naman umano ang House panel na huwag buksan ang naturang kahon.
Gayunman, nabuksan at nailabas pa rin umano ang iba pang records kabilang ang Anti-Money Laundering Council records at Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Sa kabila nito, hindi pa rin isinasantabi ng kampo ni Carpio ang posibilidad na maghain ng motion for reconsideration o umapela sa mas mataas na korte.
Sa ngayon, sinabi ni Abayon na patuloy nilang inoobserbahan ang mga susunod na hakbang ng Kamara kaugnay sa impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte at ang posibleng pagkakasangkot sa pangalan ni Carpio.














