Tiniyak ng kampo ni Vice President Sara Duterte na susunod sila sa inilabas na writ of summons ng Senado na nagsisilbing impeachment court kaugnay ng kinakaharap nitong impeachment proceedings.
Ayon kay Atty. Michael Poa, legal counsel at tagapagsalita ng Bise Presidente, tutugon sila sa prosesong inilaan ng Senate impeachment court alinsunod sa umiiral na batas at Konstitusyon.
Sinabi ni Poa na maghahain sila ng sapat na kasagutan sa loob ng itinakdang panahon at kanilang iginagalang ang kasalukuyang proseso ng impeachment.
Hindi na umano muna magbibigay ng karagdagang komento ang kampo ng Bise Presidente hinggil sa usapin.
Matatandaang binigyan ng Senate impeachment court ng 10 araw si Vice President Sara Duterte upang magsumite ng tugon matapos matanggap ang writ of summons.














