Muling nagbuga ng abo ang Bulkang Kanlaon nitong Huwebes ng umaga kung saan umabot sa 1,200 metro ang taas ng makapal na usok mula sa bunganga nito.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, nagsimula ang ash emission bandang alas-6 ng umaga at nagbuga ng kulay abong plume na tinangay ng hangin patimog-kanluran.
Naitala ng IP camera ng Kanlaon Volcano Observatory sa Canlaon City ang naturang pag-aalburuto ng bulkan.
Matatandaang ilang beses na ring nakapagtala ng ash emissions sa Kanlaon Volcano nitong mga nakalipas na araw kabilang ang pagbuga nito noong Linggo kung saan umabot sa 300 metro ang taas ng abo.
Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 2 ang Kanlaon Volcano na nangangahulugang may katamtamang antas ng volcanic unrest.














