NAGA CITY – Tila sinisisi ng Kapitan ng Brgy. Liboton, Naga City ang Naga City Police Office matapos na wala nang buhay na matagpuan ang isang dalagita sa isang bakanteng lote sa naturang lugar.

Kinumpirma mismo ng ama at iba pang kapamilya ng biktima na ang nakuhang bangkay ay ang 17-anyos nilang kamag-anak, residente ng Brgy. Peñafrancia sa nasabing lungsod.

Mababatid kasi na una nang naiulat na halos isang linggo nang nawawala ang biktima simula noong Hulyo 22, 2023, bago pa man matagpuan ang bangkay nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Hon. Ronald Luntok, kapitan ng nasabing barangay, sinabi nito na unang araw pa lamang nang pagkawala ng biktima ay lumapit na ang pamilya nito sa barangay para mag-file ng blotter.

Dahil dito, agad namang nakipag-ugnayan ang opisyal sa mga establisyemento sa kanilang barangay para sa posibleng mga CCTV footages kung saan nga huling nakita ang dalagita malapit sa nasabing bakanteng lote.

Ngunit ipinagtaka na lamang aniya ni Luntok dahil sa kabila ng nasabing impormasyon ay hindi agad nahanap ng mga awtoridad ang biktima sa nasabing lugar hanggang sa nangamoy na lamang ang bangkay at nadiskubre ng isang pedicab driver.

Maliban pa rito, mayroon na rin umanong dating naitalang insidente ng missing person sa lugar ngunit nang nag-file sana ang pamilya sa Naga City Police Office ay pinabalik lamang ang mga ito sa barangay dahil isa umano itong barangay concern kahit na 24 na oras nang nawawala ang iniulat.

Gayundin ang mga insidente ng panghihipo sa lugar kung saan kumalat pa sa social media ngunit tila walang ginawa ang mga awtoridad.

Samantala, panawagan na lamang ni Luntok na tulungan ang mga barangay opisyal at huwag lamang umasa sa kanila lalo na kung may mga reklamo ng missing person para maiwasan ang ganitong mga uri ng insidente.

Sa kabila nito, ay tikom pa rin ang bibig ng Naga City Police Office kaugnay ng nasabing krimen.