Hinangaan ng mga manonood ang ipinakitang galing ni Karl Eldrew Yulo matapos pumangalawa sa qualifiers ng isang World Cup leg sa Croatia nitong Huwebes, na nagbigay sa kanya ng panibagong tsansa para sa medalya.
Nakuha ni Yulo ang ikalawang puwesto sa likod ng American gymnast na si Kameron Nelson na nagtala ng 14.300 puntos sa naturang qualifiers.
Dahil dito, muling nakapasok sa finals ang batang Pilipino at magkakaroon ng pagkakataon na makipag-agawan para sa medalya sa prestihiyosong torneo.
Hindi na bago kay Yulo ang ganitong tagumpay, matapos na makapasok din siya sa finals ng World Cup series sa mga nakaraang leg sa Baku, Antalya, at Cairo.
Sa mga nasabing kompetisyon, nakapag-uwi siya ng gintong medalya sa Turkey at silver medal naman sa Egypt, patunay ng kanyang patuloy na pag-angat sa international gymnastics scene.
Nakatakda pang isagawa ang qualifying rounds para sa iba pang apparatuses, kung saan inaasahang muli siyang sasabak para sa dagdag na tsansa sa podium finish.
Si Karl Eldrew ay kapatid ng Carlos Yulo, na isang Olympic double gold medalist at patuloy na nagbibigay inspirasyon sa larangan ng gymnastics sa bansa.














