NAGA CITY-Natagpuan na ang katawan ng isang barangay tanod na nahulog sa may bahagi ng Bicol River sa Milaor, Camarines Sur.

Ayon kay ALexandrie Hidalgo, ang operation head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng nasabing lugar, natagpuan umano nang isang mangingisda sa Barangay Sabang, Naga City ang katawan ni Arnulfo Aguirre, residente ng San Vicente, Milaor, Camarines Sur, na una nang napabalita na nahulog sa nasabing ilog noong Pebrero 9, 2023.

Agad naman umano na pumunta sa lugar kung saan natagpuan ang katawan ng biktima ang mga tauhan ng MDRRMO-Milaor kasama ang Philippine Coast Guard ng Camaligan, Auxilliary ng barangay Tabuco, Naga City Police Office at barangay council ng Milaor, EDMERO, maging ang mga kaanak ni Aguirre.

Dagdag pa ng opisyal, nahirapan umano ang kanilang team sa paghahanap ng katawan nang biktima dahil sa maraming mga water lilly na mas nagiging balakid sa kanilang isinagawang retrieval operation.

Samantala, nagpasalamat naman si Hidalgo sa mga tumulong sa isinagawang operation upang mabilis na makuha ang katawan ng nasabing biktima.