NAGA CITY- Nabulabog ang lungsod ng Naga, matapos matagpuan ang wala nang buhay na katawan ng isang Police personnel sa isang ilog sa Brgy. Mabolo kinaumagahan matapos ang isinagawang Fluvial Procession.

Kinilala ang biktima na si PCPL. Jay Jalapadan na naka-assign sa Regional Intelligence Unit 4A ng Provincial Intelligence Unit ng Cavite.

Ayon sa nakasaksi na kinilalang si Oscar Lumabi, nakita umano nito ang wala nang buhay na katawan ng biktima na nakasuot pa ng PNP atlethic shorts habang palutang-lutang sa nasabing ilog na agad naman umano nitong ine-report sa mga kapulisan.

Samantala, ayon naman kay PSMSGT. Toby Bongon, ang tagapagsalita ng Naga City Police Office, isa umano sa tinitingnan nilang anggulo na nagpakamatay ang biktima dahil bago umano ang nasabing insidente ay nakita pa ito ng kanyang mga kasama na tila problemado.

Ayon naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad na bago ang insidente ay nagtungo pa ang grupo ni Jalapadan sa Matnog, Sorsogon noong Setyembre 15, kung saan Setyembre 16 bandang alas-8:30 ng umaga ng makarating ang mga ito sa lugar upang makipagmeeting sa grupo naman ng PIT eastern Samar upang i-take over ang kustodiya ng isang wanted person.

Bandang alas-7:20 naman noong Setyembre 16 ng dumating ang mga ito sa Naga City para mag stop over at magpahinga. Ngunit, ala-1 naman ng madaling araw noong Setyembre 17 ng bigla na lamang umalis ang biktima at iniwan ang mga kasamahan nito at hindi na nakabalik pa.

Kung kaya agad nama itong hinanap ng kaniyang mga kasamahan ngunit hindi nila ito natagpuan.

Ayon din sa kanilang naging imbestigasyon ay wala naman silang nakitang indikasyon na nagkaroon ng foul play sa insidente dahil tanging drowning o pagkalunod lamang ang nakitang dahilan ng pagkamatay ng nasabing pulis.

Sa ngayon nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.