Personal na pinangunahan ni North Korean leader Kim Jong Un ang test launches ng mga upgraded short-range ballistic missiles, ayon sa state media na KCNA.

Ayon sa KCNA, limang ulit na naglunsad ang North Korea ng pinahusay na Hwasong-11LA ground-to-ground tactical ballistic missiles upang subukan ang lakas at performance ng mga bagong warhead, kabilang ang cluster at fragmentation types.

Ipinaputok ang mga missile patungo sa target zone sa isang isla na may layong humigit-kumulang 136 kilometro, na tumama sa isang lugar na tinatayang 12.5 hanggang 13 ektarya, na ipinakita umano ang kakayahan ng sistema para sa concentrated suppression strikes.

Ayon sa militar ng South Korea, pinaputok ang mga missile mula sa paligid ng lungsod ng Sinpo bandang 6:10 a.m., at lumipad ito ng humigit-kumulang 140 kilometro patungo sa dagat.

Advertisement

Iniulat ng KCNA na sinabi ni Kim na ang paggamit ng iba’t ibang uri ng warhead ay magpapalakas sa operational capability ng hukbo, lalo na sa precision strike at mas malawak na firepower.

Ipinahayag din ni Kim ang kasiyahan sa resulta ng test, at sinabing patunay ito ng matagumpay na trabaho ng missile warhead research group ng bansa, habang inutusan ang mga siyentipiko na ipagpatuloy ang pag-unlad ng teknolohiya para sa military readiness.

Ayon sa ulat, kasama ni Kim ang ilang matataas na opisyal ng militar sa isinagawang test.

Ang mga naturang paglulunsad ay ikaapat na ballistic missile test ngayong buwan at ikapito na sa buong taon ng North Korea.

Samantala, nanawagan ang presidential office ng South Korea na kilala bilang Blue House sa Pyongyang na itigil ang mga “provocations,” at iginiit na lumalabag ito sa mga resolusyon ng United Nations Security Council.

Advertisement