Ipinahayag ni House Ways and Means Chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo na layon ng Kongreso na maisulong ang panibagong “Bayanihan 3” bilang tugon sa patuloy na hamon sa ekonomiya at pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Quimbo, inaasahang magsisimula ang pormal na pagtalakay ng mga komite sa Abril 8, habang nagpapatuloy na ang serye ng konsultasyon sa mga eksperto upang mabuo ang panukala.
Ipinaliwanag ng mambabatas na hindi lamang direktang ayuda ang pagtutuunan ng pansin sa ilalim ng Bayanihan 3, kundi pati na rin ang pagpapatupad ng mahahalagang reporma. Kabilang dito ang pagbuo ng isang digital o electronic subsidy system na nakaangkla sa National ID upang mas mapabilis at maging mas target ang pamamahagi ng tulong sa mga benepisyaryo.
Dagdag pa niya, layunin ng panukala na gawing mas episyente at transparent ang pagbibigay ng tulong ng pamahalaan sa gitna ng umiiral na krisis pang-ekonomiya.














