Tinanggihan ng Korte Suprema ang petisyon para sa Temporary Restraining Order (TRO) at status quo ante order na naglalayong obligahin ang Senado at Senate Blue Ribbon Committee na ilabas at panatilihin ang orihinal na draft report kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Sa halip na maglabas ng TRO, inutusan ng Korte Suprema ang Senate Blue Ribbon Committee at mga miyembro nito na magsumite ng kanilang komento o paliwanag sa loob ng 15 araw.
Kabilang sa mga pinadalhan ng kautusan ang noo’y chairman ng komite na si Senador Panfilo “Ping” Lacson at mga miyembrong sina Senators Juan Miguel Zubiri, JV Ejercito, at Sherwin Gatchalian.
Ang petisyon ay inihain ng mga abogadong sina Eldrige Marvin Aceron, Sikini Labastilla, at Purificacion Bartolome-Bernabe sa pamamagitan ng writs of mandamus at certiorari upang pilitin ang komite na ilabas ang hindi pa na-eedit o buong bersyon ng draft partial report.
Ayon sa Senate Blue Ribbon Committee, hindi pa opisyal ang naturang partial report kaya’t saklaw ito ng deliberative process privilege, isang proteksiyong legal na naglalayong mapanatili ang malayang talakayan at pagdedesisyon sa loob ng pamahalaan.
Iginiit naman ng mga petitioner na hindi na maaaring gamitin ng komite ang naturang pribilehiyo dahil hayagan nang ibinahagi ni Senador Lacson sa media ang ilang nilalaman ng draft report, kabilang ang rekomendasyong sampahan ng kasong plunder ang ilang opisyal na sangkot umano sa anomalya sa flood control projects.














