NAGA CITY – Inaresto ng mga kapulisan sa Japan ang isang lalaki na kinilalang si Hiroaki Katsu, isang office worker sa Nagakute City sa Aichi prefecture matapos itong magnakaw ng mga sapatos ng mga babae saka nito papalitan ng bagong pares.
Ayon sa mga awtoridad, mahigit 20 pares ng pambabaeng sapatos ang natagpuan sa nirerentahan nitong apartment na mayroong iba’t-ibang size at design na pawang gamit na.
Nadakip si Katsu matapos magreklamo ang isang 23-anyos na music teacher sa mga awtoridad nang mapansin niya na ang iniwan nitong sapatos sa kanyang locker ay misteryosong naging brand new ulit.
Nagtaka umano ito dahil nang isinuot niya ang sapatos ay naramdaman niyang bagong-bago pa ito samantalang halos pudpod na ang suwelas nito bago niya iniwanan sa kanyang locker.
Dahil dito, nag-imbestiga ang mga pulis sa Nagakute City at napag-alaman nila na marami na palang kababaihan sa kanilang lugar ang misteryosong nagiging brand new ang kanilang mga lumang sapatos.
Sa tulong ng mga pahayag ng mga biktima, natunton ng mga imbestigador si Katsu at agad naman itong umamin na nagnanakaw nga siya ng mga lumang sapatos ng mga babae dahil gustung-gusto aniya ang amoy ng mga ito.
Dahil dito, sasampahan ng kasong pagnanakaw si Katsu at pinag-aaralan rin itong kasuhan ng paglabag sa anti-stalking law.