Mariing kinondena ng Kuwait ang serye ng drone attacks na umano’y isinagawa ng Iran at mga kaalyado nito, matapos targetin ang mahahalagang pasilidad sa bansa noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa pahayag ng foreign ministry ng Kuwait, ang mga pag-atake ay malinaw na paglabag sa soberanya at airspace ng bansa, na nagdulot ng matinding pangamba sa seguridad.
Nauna rito, iniulat ng state news agency ng Kuwait na tinamaan ng mga drone ang isang pasilidad ng National Guard. Nagresulta ito sa malaking pinsala sa mga ari-arian, bagama’t wala namang naitalang nasugatan sa insidente.
Hindi pa nagbibigay ng detalyadong impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa lawak ng pinsala at kung paano isinagawa ang pag-atake, ngunit patuloy ang imbestigasyon sa pangyayari.
Ang insidente ay nagdaragdag sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran at mga bansa sa Middle East, lalo na sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan sa rehiyon.
Nanawagan ang Kuwait sa international community na kumilos upang maiwasan ang karagdagang paglala ng sitwasyon at mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.














