Nagkabanggaan ng pananaw sina Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano hinggil sa partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanumalyang flood control projects.

Ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, dapat munang hintayin ang kumpletong resulta ng imbestigasyon bago pagtuunan ng pansin ang partial report, dahil marami pa umanong detalye ang hindi pa nailalabas sa mga susunod na pagdinig.

Kinuwestiyon din niya ang pagbibigay-diin sa hindi pa kumpletong ulat, at iginiit na may mga senador na hindi pa sumasang-ayon sa ilang nilalaman nito. Aniya, tila lumalaki ang isyu kahit hindi pa tapos ang buong imbestigasyon.

“Naapektuhan din kasi ng konting rivalry ni Sen. Lacson at ni Sen. Marcoleta eh. But the reality is, bakit tayo naka-focus sa partial [report] eh hindi pa nga naa-unvail lahat eh,” pahayag ni Cayetano.

Advertisement

Samantala, sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chair Senator Panfilo Lacson na iginagalang niya ang desisyon ng ilang miyembro na hindi pumirma sa report, bagama’t hindi siya sumasang-ayon dito.

“While I disagree with those who do not want to sign, I respect and understand their individual decisions,” ani Lacson.

Sa kasalukuyan, lumagda na sa partial report sina Senator Erwin Tulfo, Senator Bam Aquino, Senator Risa Hontiveros, Senator Kiko Pangilinan, at Senate President Vicente Sotto III, bukod kay Lacson.

Kailangan pa ng hindi bababa sa siyam na lagda upang maiharap ang ulat sa plenaryo para sa debate at posibleng pag-apruba.

Sa kabila ng kakulangan sa pirma, sinabi ni Lacson na ilalahad niya sa plenaryo ang laman ng report at mga natuklasan ng komite sa nakalipas na pitong hanggang walong pagdinig upang matiyak na maipapaabot sa publiko ang tamang impormasyon at maiwasto ang mga maling naratibo.

Advertisement