NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Candelaria, Quezon.
 
Kinilala ang biktima na si Alyas Amado, 48-anyos, residente ng Brgy. Bukal Norte sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang binabaybay ng biktima ang Maharlika highway ng barangay road, sa Brgy. Bukal Sur ng nasabing bayan gamit ang Tricycle na pinagmamaneho nito kahapon Mayo 22, 2024, ng bigla na lamang dumating ang mga hindi pa nakikilalang mga suspek.

Sa hindi rin malaman pa na dahilan, bigla na lamang binaril sa ulo si Alyas Amado na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.
Samantala, agad naman tumakas ang mga suspek matapos isagawa ang krimen.

Kaugnay nito, sa isinagawa naman na ocular inspection ng mga otoridad, narekober naman ang isang fire cartridge ng caliber .45 na baril sa pinangyarihan ng krimen.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente. Gayundin, ang pag-alam sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.