NAGA CITY – Dead-on-the-spot ang isang lalaki matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Zone 8, Brgy. Lidong, Presentacion, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Vinceo Orolfo, pinaghihilang dating miyembro nang rebeldeng grupo, at residente ng nasabing lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang naglalakad ang biktima sa tabi ng kalsada ng bigla na lang itong pinagbabaril ng tatlong lalaking suspek gamit ang hindi pa malamang kalibre ng baril.
Dahil sa pangyayari, nagkaroon ng sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na matapos isagawa ang krimen, agad na tumakas papuntang bulubunduking parte ng lugar ang mga suspek.
Sa ngayon, pinag-utos na ng pamunuan ng Presentacion Municipal Police Station na ipasailalim sa otopsiya ang katawan ng biktima.
Patuloy naman ang koordinasyon ng kapulisan sa Armed Forces of the Philippines upang makumpirma ang estado ng biktima kun totoo nga ba na dating itong parte ng rebeldeng grupo.