NAGA CITY- Patong-patong na kaso ang haharapin ng isang indibidwal matapos na lumabag sa health protocols at nanuntok pa ng barangay tanod sa Barangay Bagumbayan Norte, Naga City.
Kinilala ang akusado sa pangalang Ortega, residente ng Ateneo Ave., Bagumbayan Sur sa nasabing lungsod.
Sa pagharap sa mga kawani ng media ni Councilor Dodit Beltran, ABC President sa lungsod, sinabi nito na disidido umano ang barangay tanod na magsampa ng kaso laban ki Ortega.
Aniya, sinita umano ng nasabing tanod si Ortega dahil wala itong suot na face mask at oras na ng curfew ngunit, isang suntok ang isinagot nito sa tanod.
Maliban dito, nabatid na nasa impluwenisya rin ng alak ang nasabing akusado.
Tiniyak naman ng konsehal na masasampahan ng kaso si Ortega para hindi na umano gayahin ng ibang mamamayan sa lungsod.