NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos barilin sa Purok San Lorenzo, Ibabang Dupay, Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Rodelio Legaspi, ‘alias Toti’ 48-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nakatayo ang biktima sa tabi ng kalsada nang dumating ang suspek sakay ng kaniyang motorsiklo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, sinasabing bigla na lamang umanong bumunot ng baril ang hindi pa nakikilalang suspek at binaril ang biktima sa ulo dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Samantala, narekober sa insidente ang dalawang fired cartridge case ng Caliber 45 at isang fired bullet.

Sa ngayon, tinitingnan na ng mga otoridad ang CCTV recordings sa mga establisyemento sa lugar na malapit sa pinangyarihan ng krimen para sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng nakatakas na suspek.