NAGA CITY- Patay na nang matagpuan ang isang lalaki matapos magpatiwakal sa Zone 1 Brgy. San Jose West, Canaman, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na isang 23-anyos, may dalawang anak at isang magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT. Bernie Undecimo, Acting Chief of Police ng Canaman Municipal Police Station, sinabi nito na pagdating nila sa lugar, naabutan umano nilang nakababa na ang katawan ng biktima dahil sinubukan umano ng nakakita na iligtas ito.
Ngunit dahil sa matagal na itong nakabitay, kung kaya’t tuluyan na itong nalagutan ng hininga.
Ayon sa opisyal, may iniwang suicide note ang biktima na nagsasabing depresyon ang dahilan ng pagpapatiwakal nito.
Samantala, bago pa man ang insidente ay huling nakitang buhay ang biktima na nakatulala.
Kaugnay nito, wala namang nakitang foul play sa insidente.
Sa ngayon ay hinikayat na lamang ng opisyal ang publiko na tuwing nakakaranas ng problema matutong ibahagi ito sa pamilya o kaibigan upang hindi mauwi sa nakakalugkot na insidente.