NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang isang lalaki matapos magpatiwakal sa abandonadong bahay sa Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Dinelson Soliza, 20-anyos, residente ng Sitio Antipolo, Brgy. Bignay 1, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na natagpuan na lamang ang biktima sa kusina sa nasabing bahay habang nakabigti.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na inutusan ni Brgy. Councilor Elma Gonzalvo Asuncion ang kaniyang pamangkin na si Reynel Asuncion na pumunta sa nasabing abandonadong bahay dahil na rin sa mga ulat na masangsang na amoy mula rito.

Ngunit nang pumunta si Reynel sa lugar, dito na tumambad ag wala nang buhay na katawan ni Soliza.

Ayon sa mga awtoridad, tinatayang nasa tatlo hanggang apat na araw nang patay ang biktima.

Samantala, ayon pa sa tiyahin ni Soliza, iniwan ito ng kaniyang live-in partner na posibleng dahilan naman ng pagpapakamatay nito.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.