NAGA CITY- Patay na nang matagpuan ang isang lalaki matapos na malunod sa Barangay Gumaus, Paracale, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Roberto Dela Cruz, 53-anyos, residente ng Purok 6, Barangay Sta Rosa Norte, Jose Panganiban, sa nasabing probinsya.

Sa nakalap impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na bandang hapon nang makita ang biktima na naliligo sa dagat habang nasa impluwesya ng alak.

Ngunit, matapos aniya ang isang oras, natagpuan na ang katawan ng biktima na nagpapalutang-lutang 500-metros ang layo mula sa baybayin.

Agad naman na dinala sa ospital ang biktima ngunit inineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.