NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos malunod sa Buenavista, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Celerico Conda Jr., residente ng Sitio Pantay Brgy Bulo sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na napagdesisyonan ng biktima kasama ang kaniyang pamilya na mag-dive sa ilog upang kumuha ng mga shell ngunit napansin ng kaniyang pamangkin na hindi na umahon ang tiyo nito.

Dahil dito, agad aniya nitong ipinaalam sa kaniyang kamag-anak ang nangyari at humingi naman ng tulong sa paghahanap kay Conda.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na makaraan ang isang oras na paghahanap, nakuha nilang wala ng buhay ang katawan ng biktima.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad patungkol sa naturang insidente.