NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin sa Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Noli Carganilla Carmona, 60-anyos, residente ng Sta. Cruz Sapang Sapang Palay, San Jose Del Monte, Bulacan.

Sa nakalap na ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang natutulog ang biktima sa barracks na isang construction site sa Block 3, Lot 16, Phase 3 Extension Citta Grande Subd., sa nasabing lugar ng bigla na lamang pumasok ang suspek na kinilalang si Melvin Lopez Martinez, 26-anyos, residente rin ng nasabing lugar.

Tinanong pa umano ni Martinez ang biktima kung ano ang gusto nito bago pinagsasaksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa pangyayari nagtamo ng seryosong mga tama sa kaniyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.