NAGA CITY – Dead-on-the-spot ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Barangay Purok 1 Barangay Talingting, Calauag, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Wilfredo Merle Saludadez, 52-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na bago pa man ang insidente magkasama pa ang biktima at ang suspek na si Honorato Barros, 56-anyos, residente rin ng naturang lugar sa isang inuman.
Ayon naman sa mga nakakita sa insidente, umalis umano ang suspek, ngunit habang pauwi na sa kanilang bahay ang biktima nang bigla na lamang itong pagbabarilin ni Barros gamit ang caliber 45 pistol.
Dahil dito, nagtamo ng anim na tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nadiskubre sa pinangyarihan ng nasabing krimen ang pitong fired cartridge at tatlong slug ng caliber 45 na baril.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ang pagtunton sa posibleng kinaroroonan ng suspek na agad namang tumakas matapos ang nasabing krimen.