NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos na pagsaksakin ng kainuman nito sa San Narciso, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Elmer Magdalena, 41-anyos, residente ng Barangay Villa Aurora, Buenavista sa nasabing probinsiya.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang nag-iinuman si Elmer kasama ang suspek na kinilalang si Rebustes Magdalena nang bigla nalang itong pagsasaksakin ng naturang suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek matapos ang krimen.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagtukoy sa posibleng kinaroroonan ng naturang salarin.