NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin sa Purok 3, Brgy. Barra, Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Dominador Calicdan Pagtananan, 36 anyos, residente ng Purok 3, Little Baguio I, Brgy. Ibabang Dupay sa naturang lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, naatid na habang nagkikipag-inuman ang biktima sa mga kabarkada nito ng dumating ang suspek na si Ronald Esparsa Barotil, 35 anyos, residente ng Purok 3, Brgy Barra ng parehas na lugar.

Dagdag pa dito, nagkaroon umano ng mainit na diskusyon ang biktima at ang suspek na nagresulta sa pagbugbugan ng mga ito.

Matapos nito, umuwi ang suspetsado sa kanilang bahay at kumuha ng kutsilyo at sa pagbalik nito, dito na nito pinagsasaksak si Pagtananan.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa Quezon Medical Center ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, sinubukan pa sanang tumakas ni Barotil ngunit agad naman itong nahuli ng mga otoridad.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.