NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos itong pagsasaksakin sa Sitio Stella Mariz, Barangay Bagong Bayan, Mauban, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Honoria Mancilla Diaz Jr., 34-anyos, residente ng naturang lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Provincial Police Station (QPPO), nabatid na nakatanggap ang mga otoridad ng report kaugnay sa nangyaring pananaksak sa biktima sa nasabing lugar, kung saan agaran namang rumesponde ang himpilan sa lugar ngunit, agad na nakatakas ang naturang suspek.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, habang nag-iinoman ang biktima at ang supek na kinilalang si Billy Dolor nang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa.
Kung saan, ito rin ang nagbunsod sa suspek upang kumuha ng kutsilyo at bigla na lang pagsasaksakin ang biktima at magtamo ng sugat sa kanang parte ng dibdib nito.
Agad naman dinala sa hospital ang biktima ngunit, idineklara na itong dead-on-arrival ng mga doktor.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang ginagawang paghahanap ng mga otoridad sa naturang suspek.