NAGA CITY – Patay at naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ang katawan ng isang lalaki na puno ng taga sa Barangay Sumaoy, Garchitorena, Camarines Sur.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office napag-alaman na natagpuan na lamang ng isang Romeo Capistrano, 32-anyos at residente rin ng nasabing lugar ang wala nang buhay na katawan ng biktima na nakahandusay sa sahig at naliligo sa sariling dugo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabi na nagtamo ng sugat sa kaniyang dibdib, ulo at iba pang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Nabatid din na huling nakitang buhay ang biktima na nakikipag-inuman sa bahay ng magkapatid na Darwin at Ramon De Guzman, dakong alas-11:30 ng gabi noong Pebrero 4, 2023.

Habang alas-2:30 naman ng madaling araw kahapon, Pebrero 5, 2023 nang umalai ang mga ito papunta sa Barangay Tamban, Tinambac, sa nasabing lalawigan.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente.