NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang indibidwal sa Brgy. San Felipe, Naga City.

Kinilala ang biktima na si Rico Borabo, 54-anyos, residente ng Borabo Residence, Sitio Bagong Sirang, sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na natagpuan na lamang ng isang barangay tanod na si Merly Dela Torre ang wala nang buhay na biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na wala namang nakitang foul play sa insidente.

Ayon kay Joel Teoxon, kapitbahay ng biktima, huli nitong nakita si Borabo noon pang Pebrero 12, 2023.

Samantala, ayon naman sa mga kapatid at anak ng biktima, mayroon umano itong iniinom na maintenance na gamot.

Dagdag pa rito, noong Pebrero 12 umano, pumunta si Borabo sa kaniyang kapatid para maghanap ng pera para sana sa pagpa-check-up nito.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa pagkamatay ng biktima.