NAGA CITY- Dead-on-arrival ang isang lalaki matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Maharlika Highway sa Barangay Mangilag Sur, Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Ronilo Yupacina, 49-anyos, residente ng Purok 2, Barangay Mangilag Norte sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang sakay ng kanyang minamanehong motorsiklo ang biktma nang bigla na lamang itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.

Dahil sa insidente nagtamo ng iba’t ibang sugat sa kanyang katawan si Yupacina na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit idineklara ring dead-on-arrival ng mga doktor.

Samantala, nakuha naman sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong fired cartridge cases ng caliber .45 na baril.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng suspek gayundin ang posibleng kinaroroonan nito.