NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos maaksidente sa motorsiklo sa Barangay Irayang Solong, Minalabac, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Crispin Aquino, 37-anyos, residente ng Barangay Baliuag Viejo sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSg Ernesto Verdadero Jr., ang investigator on case, sinabi nito na habang tinatahak ng motorsiklo na minamaneho ni Aljon Adon habang angkas si Manilyn Perez ang kalsada papunta sa Barangay Antipolo nang bigla na lamang itong masagi ng kasalubong na motorsiklo na minamaneho ni Aquino.

Dahil dito, nagtamo ng tama sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan sina Adan at Perez habang nagtamo naman ng matinding tama sa ulo si Aquino.

Agad naman na dinala ang tatlong indibidwal sa pagamutan ngunit ideniklarang dead on arrival ng mga doktor si Aquino.

Ayon kay Verdadero, walang suot na helmet si Aquino at nasa impluwensiya ng alak nang mangyari ang insidente.

Sa ngayon, nakatakdang mag-usap ang mga nadamay sa aksidente at ang pamilya ng namatay para malutas ang nasabing insidente.