NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin sa Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Jojo Famat, 31-anyos, residente ng Sitio Laylay Brgy. Manggalang 1 sa nasabing bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nag-iinuman ang suspek na kinilalang si Racel Rizon, 37-anyos, residente ng 234 Hernandez Street Purok 7 Landayan San Pedro Laguna, kasama ang kanyang kaibigan sa isang outing sa Sitio Silangan Beach Brgy Guis-guis Talon sa nabanggit na bayan ng dumating ang biktima na nasa ilalim nang impluwensiya ng alak.

Nairita ang suspek dahil sa umano’y ginawang mali ni Famat na nagresulta sa pananaksak ni Rizon sa biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa insidente, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ang biktima na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang kaparusahan.