NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos pagsasaksakin sa Brgy. Bagong Bayan, Mauban, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Arlando Eranista alyas Kurukutok, 21-anyos, residente ng Brgy. Sadsaran, sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nakatambay ang suspek na kinilalang si Errol Gallio alyas Mokong, 18-anyos, residente ng Brgy. Cagsiay 2, sa naturang bayan kasama ang kaniyang mga kaibigan nang bigla na lamang dumating ang biktima at inalok ang isa sa mga kaibigan ng suspek na kumain sa labas.

Ngunit dito na rin nagkaroon ng mainit na diskusyon sa pagitan nina Eranista at Gallio at bigla na lamang kumuha ng matalim na bagay ang suspek at sinaksak ng ilang beses ang biktima.

Dahil dito, agad namang dinala sa ospital si Eranista para sa karampatang asistensiya medikal.

Samantala, sinubukan pa sanang tumakas ng suspek ngunit tuluyan din itong naaresto ng mga otoridad.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.