NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos pagsasaksakin sa Barangay GRS, Ragay, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Junel Hernandez, 35-anyos, tubong Antipolo Rizal, residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag alaman na nasa motor works shop si Hernandez at ang kanyang anak na babae ng dumating ang suspek na si Renato Ona, 61 anyos, residente ng nasabing lugar kasama ang kanyang asawa.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag alaman na hihiramin lang sana ni Ona ang kanyang apo na nasa kustodiya ni Hernandez ngunit dito na nagkaroon ng mainit na pagtatalo at argumento sa pagitan ng dalawang panig dahilan para saksakin ni Ona si Hernandez gamit ang nasa 14 na pulgadang itak.
Dahil dito, nagtamo ng sugat sa kanang balikat at kanang bahagi na kanyang katawan si Hernandez na agad namang dinala sa ospital ng isang
concerned citizen para asistensyang-medikal.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.