NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos na pagbabarilin sa Baao, Camrines Sur.

Kinilala ang biktima na si Joshua Tubo, 18-anyos, residente ng Zone 3, Sta. Teresita sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na tatlong beses na pinagbabaril ng suspek na kinilalang si Apolonio Bobis Jr. ang biktima kasama ang tatlo pang indibidwal.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagtamo ng tatlong tama ng baril sa kanyang hita si Joshua.

Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang isang slug ng caliber 45 na baril.

Sa ngayon patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagtunton sa suspek na nakatakas matapos isagawa ang naturang krimen.