NAGA CITY-Kumpiskado ang lampas ₱618,000 na halaga ng ilegal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad.
Kinilala ang suspek na si alyas Francis, 47-anyos, residente ng Zone 2, Brgy. San Cirilo, Pasacao, Camarines Sur.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, na nakabili kay alyas Francis ang poseur-buyer ng isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu gamit ang P500 bilang buy-bust money.
Nasamsam pa kay alyas Francis ang apat na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang ilegal na droga at may bigat na humigit-kumulang 76 grams at nagkakahalaga ng ₱516,800.
Samantala, kumpiskado naman ang nasa lampas ₱102,000 na halaga ng pinaniniwalaang shabu sa apat na suspek sa Brgy. Igualdad, Naga City.
Kinilala ang mga suspek na sina alias Dario, 40 anyos, alyas-Jerico, 33-anyos, pawang residente ng nabanggit na barangay, at si alyas-Artemio, 23-anyos, residente ng Barangay Balatas sa nabanggit na lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nakabili ang poseur-buyer kay alyas Jerico, Artemio, at Dario ng isang piraso ng nabanggit na ilegal na droga gamit ang ₱500 bilang buy-bust money. Bukod dito, nakuha pa ng mga awtoridad sa mga suspek ang tatlong piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na humigit-kumulang 15 grams, at nagkakahalaga ng ₱102,000.
Sa kabuuan, nagkakahalaga ng ₱618,800 ang halaga ng mga nakumpiskang shabu sa limang suspek. Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.