Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang lava fountaining sa Mayon Volcano nitong Biyernes ng gabi, na nagdulot ng ash clouds at nagpapatuloy ang aktibidad ng bulkan sa ika-82 araw ng effusive eruption.

Ayon sa Phivolcs, naganap ang lava fountaining bandang 8:23 p.m. at 8:40 p.m., na naglabas ng ash clouds na umabot sa 400 metro ang taas bago tinangay ng hangin pa-kanlurang timog.

Dagdag pa ng ahensya, nagpapatuloy ang effusive eruption na nagdudulot ng pagdaloy ng lava, pyroclastic density currents o “uson,” at pagguho ng bato sa paligid ng bulkan.

Nanatili ang Alert Level 3 sa Mayon Volcano, at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at turista.

Advertisement

Pinapayuhan ang publiko na maging alerto sa posibleng pagbabago ng aktibidad ng bulkan at sundin ang lahat ng advisory mula sa Phivolcs at lokal na pamahalaan.

Advertisement