Pinalawig ng Lebanon at Israel ang kanilang tigil-putukan ng tatlong linggo kasunod ng mataas na antas na pag-uusap sa White House na pinangunahan ni US President Donald Trump.
Inihayag ni Trump ang kasunduan matapos niyang tanggapin sa Oval Office ang Israeli ambassador sa Washington na si Yechiel Leiter at Lebanese ambassador na si Nada Moawad para sa ikalawang round ng negosasyong pinamagitan ng Estados Unidos.
Ayon kay Trump, umaasa siyang magkakaroon ng pulong sa pagitan nina Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at Lebanese President Joseph Aoun sa loob ng panahong umiiral ang tigil-putukan, at may “malaking tsansa” umanong makamit ang kasunduang pangkapayapaan ngayong taon.
Ang kasalukuyang tigil-putukan, na nagsimula noong Abril 16, ay nakatakdang magtapos ngayong Linggo ngunit napagkasunduang palawigin matapos ang pagpupulong. Bagama’t bumaba ang antas ng karahasan, patuloy pa rin ang ilang pag-atake sa timog Lebanon kung saan may kontrol ang puwersa ng Israel sa isang buffer zone.
Samantala, nanindigan ang Israel na dapat tutukan sa usapan ang pagpigil sa armadong grupong Hezbollah, habang iginiit naman ng Lebanon ang pag-atras ng pwersang Israeli at pagbabalik ng mga detinidong Lebanese bilang bahagi ng susunod na yugto ng negosasyon.
Sa kabila ng tigil-putukan, napaulat ang panibagong karahasan kabilang ang airstrike ng Israel na ikinasawi ng hindi bababa sa limang katao, kabilang ang isang mamamahayag, na tinaguriang pinakamadugong insidente mula nang ipatupad ang ceasefire.
Patuloy ang tensyon sa pagitan ng dalawang panig matapos muling sumiklab ang labanan noong Marso 2, kung saan umabot na sa halos 2,500 ang nasawi sa Lebanon, ayon sa mga awtoridad.














