NAGA CITY- Naging daan para sa isang diorama artist na tubong Mabalacat, Pampanga na pagkakitaan ang mga obra nitong nabuo sa kasagsagan ng pandemya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nhoda Muñoz, sinabi nito na dati umano itong tattoo artist bago ito nahilig gumawa ng mga diorama na nagsilbing pangpalipas oras lamang niya noong kasagsagan ng pandemya.
Aniya, ang kanyang mga obra ay hango sa kanyang tunay na buhay tulad na lamang ng isang barong-barong na nagpapakita kung ano talaga ang kanyang estado sa buhay.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagbukas ng panibagong oportunidad kay Muñoz ang paggawa ng mga naturang obra, dahil sa ngayon may mga order na ito mula sa mga Pinoy na nakatira sa ibang bansa gaya na lamang ng California at Las Vegas, at sa ngayon ay may mga nakalinyang proyekto pa.
Ang isang obra ni Muñoz ay nagkakahalaga ng P15,000 bawat isa at sa kabuuan, umabot na sa 13 pirasong mga obra ang naibenta nito.
Dahil dito, nagbabalak na rin si Muñoz na kumuha ng makakatulong niya sa production para mapabilis pa ang pag-produce ng mga diorama.
Sa ngayon, naipagpapatuloy pa naman nito ang pagiging tattoo artist pero naka-schedule na lamang dahil na rin sa mga dapat na asikasuhin.