NAGA CITY- Binigyang pugay ng lokal na gobuyerno ng Naga ang nasa mahigit 300 na Barangay Health Emergency Task Force sa iba’t ibang barangay sa lungsod kasabay nang selebrasyon sa ika-124 taon ng Independence Day ngayong araw.
Sa naging pahayag ni Naga City Mayor Nelson Legacion, kinilala nito ang naging sakripisyo ng mga miyembro nang BHERT sa pagtugon sa nagpapatuloy na pandemya dala ng COVID-19.
Binigyang diin pa ni Legacion ang malaking papel na ginampanan ng BHERT gaya ng pagmonitor sa mga lockdown areas, tagahatid ng ayuda, katulong sa pangungumbinsi na magpabakuna, at ang patuloy na pakikipagtulungan at aktibong pagbibigay ng kanilang oras para sa bawat Nagueño.
Aniya, napanatili ng lungsod ang Alert Level 1 mula pa noong buwan ng Marso hanggang ngayon na buwan.
Pinagmalaki pa ng alkalde na isa ang lungsod sa mayroong pinakamataas na vaccination rate sa Bicol Region at sa buong Pilipinas na nasa 87.09% ng total na target na populasyon.
Kasabay pa nang selebrasyon ngayon na araw pinirmahan na ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department Of Health Philippines at nang LGU-Naga, kung saan magbibigay ng donasyon na aabot sa P12-milyon ang DOH Philippines.
Ang naturang donasyon ay nakalaan para sa gagawing Super Health Center I, kung saan magkakaroon ng Birthing Facility, Consultation Center, Dental Center at iba pang kinakailangan na serbisyong-medikal para sa lungsod.
Samantala ang Super Health Center ilalagak katabi nang Concepcion Pequena National High School sa lungsod ng Naga.