NAGA CITY – Puspusan na ang isinasagawang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Naga sa nakatakdang Modified Palarong Bicol 2023.

Sa naging pahayag ni Naga City Councilor Lito Del Rosario, sinabi nito na bagama’t mayroon na lamang silang ilang araw na paghahanda, pinagsisikapan umano nila na maihanda ang mga venue para sa anim na event.

Mababatid kasi na magsisimula na ang nasabig torneyo sa Abril 24 at magtatapos naman sa Abril 28, 2023.

Aniya, kasama sa anim na event ang Archery, Swimming at Athletics kung saan gaganapin sa Metro Naga Sports Complex; Gymnastic sa Naga City Civic Center, Special Event sa Metro Naga Sports Complex, Camarines Sur National High School at Weightlifting na gaganapin naman sa Naga College Foundation.

Inaasahan din ang nasa 2,000 mga atleta at opisyal ang darating sa lungsod sa susunod na linggo para sa naturang palaro.

Samantala, tiniyak naman ni Del Rosario ang mainit na pagtanggap sa bawat delegado na kalahok sa nasabing Modified Palarong Bicol 2023.