NAGA CITY- Nagpapatuloy pa rin ang monitoring ng lokal na pamahalaan ng Sagñay, Camarines Sur sa mga posibleng mga pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng masamang panahon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Jovi Fuentebella, sinabi nito na binabantayan nila ang lahat ng mga barangay sa bayan partikular na sa mga landslide prone area kagaya na lamang sa Barangay Turague, Sibaguan, Bongalon, Patitinan at Kilomaong gayundin sa posibleng pagbaha sa parte naman ng Barangay Aniog.
Kaugnay nito, kinumpirma ng alkalde na sa kasalukuyan, hindi pa passable ang mga kalye mula sa Barangay Aniog papunta sa Kilantaao kahapon ng tanghali ngunit, inaasahan na sa paghupa ng ulan, huhupa na rin umano ang tubig na nagdadala ng ilang pagbaha sa nasabing bayan.
Sa ngayon, hindi naman nagsagawa ng paglikas sa mga barangay sa bayan ngunit, ayon sa alkalde, aktibo naman ang Barangay Risk Reduction and Management (BDRRMO) at ang LGU sa pagpapalikas sa mga residente kung sakaling mayroong maitalang mga insidente dulot ng masamang panahon.
Sa kabilang dako, batay sa hazard assesment ng opisina, tinitingnan na ang malakas na ulan at tubig dala ng Bagyong Auring ang magdadala naman ng danyos sa mga binabahang mga barangay sa bayan.
Dagdag pa ng opisyal, na kung magpapatuloy pa aniya hanggang sa tatlong araw na pag-uulan, asahan aniya ang pagkakaroon ng pagguho ng lupa o ang tinatawag na rain induced landslide sa mga barangay ng Turague, Sibaguan, Bongalon gayundin sa Patitinan.
Sa ngayon, mahigpit pa rin an pinapatupad ng mga otoridad ang no sailing policy sa mga coastal areas sa nasabing bayan.