Nasawi ang limang katao habang walo ang nasugatan matapos salpukin ng isang bus ang multicab ng Lupi LGU sa Andaya Highway, Ragay, nitong Miyerkules ng gabi, Abril 8.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Major Julius Prima, Hepe ng Ragay MPS, sinabi niyang nangyari ang insidente pasado alas-nwebe ng gabi sa bahagi ng Port Junction Sur Ragay. Ayon sa kaniya, tinatahak ng bus na lulan ang 28 pasahero ang southbound lane papuntang Tabaco City habang ang multicab na may sakay na 13 pasahero ay papunta sa Bayan ng Del Gallego.

Dagdag pa ni Prima, habang papalapit ang bus sa pinangyarihan ng aksidente, may nakita itong orange plastic safety barrier kaya’t iniwasan ng drayber. Kung kaya’t nakuha ang bahagi ng daanan ng multicab at natamaan ang kaliwang bahagi nito at sa lakas ng impact, natanggal ang bubong na siya ring dahilan kung bakit tumilapon ang limang pasahero.

Kinilala ang mga nasawi bilang sina Nestor Galvez, Miles Bautista, Angela Geronimo, John Michael Vargas, at James Ramos. Ayon sa doktor, dead on the spot ang limang tumilapon, habang tatlo sa walong mga sugatan, kabilang ang drayber, ay nakalabas na ng ospital matapos magtamo lamang ng minor injuries.

Advertisement

Samantala, wala namang nasaktan sa mga pasahero ng pampasaherong bus, at kusang sumuko sa mga awtoridad ang drayber nito. Ayon kay Prima, ilan sa posibleng kasong isasampa laban sa drayber ng bus ay multiple homicide, multiple physical injury, at multiple damage to property. Aniya rin, hindi accident-prone ang lugar at nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon ng Ragay PNP.

Sa kabila ng trahedya, isang limang buwang sanggol ang itinuturing na himalang nakaligtas sa insidente. Ayon sa mga doktor, maayos ang kalagayan ng bata at walang galos, at ito ay na-discharge na mula sa ospital. Samantala, patuloy pa rin ang paggaling ng apat pang nasugatang biktima sa Naga City.

Bilang pakikiramay, naka-half mast ngayon ang bandila sa Pamahalaang Bayan ng Lupi. Ayon sa LGU Lupi, ang hakbang na ito ay simbolo ng paggalang at pakikiramay sa mga pumanaw at sa kanilang pamilya. Sa opisyal na pahayag ni Mayor Topi Jacinto, tiniyak na patuloy ang tulong sa mga pamilya ng nasawi at mga sugatang nagpapagaling, at nanawagan ng panalangin para sa kapayapaan ng mga yumao at agarang paggaling ng mga nasugatan.

Ngayong buwan ng Abril, nakapagtala na ng tatlong vehicular accidents ang bayan ng Ragay. Patuloy ang paalala ng PNP sa mga motorista at drayber na mag-ingat, lalo na ngayong panahon ng bakasyon.

Advertisement