NAGA CITY – Patay ang limang miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company habang sugatan naman ang iba pa matapos ang nangyaring pananambang ng mga pinaniniwalaang rebeldeng grupo sa Purok 6, Barangay Dumagmang Labo, Camarines Norte.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, napag-alaman na pinadala ang pitong miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force sa isang construction project sa nasabing lugar matapos ang umano’y pangingikil ng mga pinaniniwalaang miyembro ng mga rebeldeng grupo.

Nabatid na ayon sa demand letter na natanggap ng nasabing kumpanya, kinakailangan umanong magbigay ng 3 percent hanggang 5 percent ang Labo-Tagkawayan Road Project para sa kanilang kaligtasan.

Binantaan rin umano ang mga ito na susunugin ang nasabing proyekto kung sakaling hindi ito magbayad.

Una na dito, ganap na 9:25 kagabi, Marso 19, 2021 ng isagawa ang paglilibot ng mga otoridad para masiguro ang kaligtasan ng naturang lugar.

Kaugnay nito, agad namang inatasan ni LtGen. Cirilito Sobejana sina Regional Directors PBGen Felipe Natividad ng Police Regional Office-4A at Bicol Police Director Brig. Gen. Bartolome Bustamante ng Police Regional Office-5 na agad na magsagawa ng opersyon upang matunton ang responsable sa nasabing insidente.