NAGA CITY – Nagpatupad na ngayon ng lockdown ang lokal na pamahalaan ng Naga City sa mga residente ng Milaor, Camarines Sur kung saan pinaniniwalaang pinagmulan ng positive COVID-19 patient sa Bicol Medical Center.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nitong ipinag-utos na niya ang lockdown sa mga residente ng Milaor para sa kaligtasan ng mga taga-Naga .

Maliban dito, mahigpit ding ipinagbabawal ng alkalde ang paglabas ng bahay ng mga residente kung saan nagbabala ito na aarestuhin at pwedeng magmulta ang mga taong hindi susunod sa naturang kautusan.

Inatasan na rin aniya ang mga barangay na mas pahigpitin pa na checkpoint operations sa iba’t ibang lugar at border ng Naga.

Samantala, aminado naman ang Municipal Admnistrator ng Milaor na nahihirapan silang simulan ang contact tracing sa PH763 dahil wala aniya silang natatanggap na pormal na impormasyon mula sa DOH kaugnay ng pagkakakilanlan ng nasabing individwal.