NAGA CITY- Mas pinahigpit ngayon ng lokal na pamahalaan ng Naga ang mga patakaran sa mga papasok sa nasabing lugar.
Batay sa ipinalabas na HERTF Policy No. 13, magpapadala ang LGU ng Screening Team sa border control sa bayan ng Del Gallego, Camarines Sur upang mag-screen ng mga sintomas, testing at dokumento ng mga indibidwal na pupunta sa lungsod ng Naga.
Kaugnay nito, kinakailangan din na makapagpresenta sa Screening Team ang mga Naga-Bound Individual ng eSalvar QR Code, Travelers Pass Registration, Identification Card, Valid negative RT-PCR Test Result at Travel Order para naman sa mga Government officials at employees.
Gayunman, ang mga may negatibong resulta ng RT-PCR test sa loob ng 72 oras ay hindi na isasailalaim pa sa quarantine.
Ngunit, ang mga indibidwal na makikitaan ng sintomas ay isasailalam sa 14-days quarantine sa city facility at sa kanilang bahay o hotel kung ang mga ito ay walang sintomas.
Dagdag pa dito, kinakailangan din na magbigay ng abiso sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) o sa mga designated Hotel Health Monitor ang mga indibidwal mula sa ibang rehiyon para sa documentation at monitoring.
Sa ngayon, patuloy naman ang paalala ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Naga na sumunod sa mga heath protocols at panatilihing ligtas ang sarili laban sa COVID-19.