NAGA CITY- Sugatan ang isang lola matapos ang nagyaring banggaan ng tatlong sasakyan sa Magarao, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Adelaida Balager, 64-anyos, residente ng Barangay Monserrat, sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na minamaneho ng isang Thomas Deliva, 18-anyos ang kotse nito papunta sa lungsod ng Naga nang aksidente nitong mabangga ang dalawang kotse na nakaparada sa gilid ng chapel at nadamay ang biktimang si Balager.

Dahil sa insidente, nagtamo ng sugat sa kanyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na mabilis ang pagpapatakbo ni Deliva sa kanyang sasakyan na naging dahilan sa naturang insidente.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Deliva para sa karampatang kaparusahan.