NAGA CITY- Patay ang isang senior citizen matapos malunod sa ilog na bahagi ng Tiaong, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Crisanto De Chavez Amador, 62-anyos, residente ng Sitio Cutta, Brgy. Ayusan 1 sa nasabing bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na pinaghahanap ng biktima ang kanyang kalabaw kasama ang isang Joan Albotra Amador kung saan nakita umano nito ang nasabing kalabaw sa kabilang ilog.

Dahil dito, sinubukan ng biktima na tumawid sa ilog upang kunin ang kanyang kalabaw subalit nadulas at bumulusok ito pailalim ng tubig na nagin dahilan nang kanyang pagkalunod.

Kaugnay nito, nagpalutang-lutang na lamang ang katawan ng biktima sa nasabing ilog.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad patungkol sa insidente.