Handang tumanggap ng panibagong petisyon para sa dagdag-pasahe ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ayon sa chairman nitong si Vigor Mendoza.

Hinimok ng LTFRB ang mga transport group na magsumite ng panibagong petisyon kung sa tingin nila ay hindi sapat ang naunang inaprubahang dagdag-pasahe.

Ayon kay Mendoza, bukas ang ahensya na muling suriin ang mga kahilingan, lalo na kung may sapat na basehan ang mga ito kaugnay ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Nauna nang umani ng batikos ang ipinatupad na pisong dagdag sa pamasahe mula sa ilang transport group, kabilang ang Manibela at Piston.

Advertisement

Iginiit ng mga grupo na kulang ang naturang dagdag upang matugunan ang epekto ng patuloy na oil price hike sa kanilang kabuhayan.

Sa kabila nito, binigyang-diin ng LTFRB na maaaring dumaan sa tamang proseso ang mga panibagong kahilingan upang mapag-aralan at mapagdesisyunan nang naaayon.

Patuloy namang inaasahan ang pagsusumite ng mga bagong petisyon mula sa sektor ng transportasyon habang nananatiling pabago-bago ang presyo ng langis sa merkado.

Advertisement