Photo©web

Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng isang transport network vehicle service (TNVS) driver matapos nitong mag-post ng malalaswang pahayag tungkol sa aktres na si Xyriel Manabat sa social media, kasabay ng pag-isyu ng show cause order at imbestigasyon sa insidente.

Ayon sa LTFRB ngayong Sabado, agad nilang ipinatupad ang preventive suspension sa TNVS driver habang isinasagawa ang imbestigasyon sa naturang isyu. Naglabas din sila ng show cause order (SCO) upang obligahin ang driver na magpaliwanag sa loob ng 10 araw kung bakit hindi dapat suspendihin o tuluyang bawiin ang kanyang prangkisa.

Binigyang-diin ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II na hindi katanggap-tanggap ang anumang uri ng pambabastos, lalo na sa mga kababaihan, at bahagi ito ng kanilang “Bawal Bastos” campaign laban sa sexual harassment at diskriminasyon sa pampublikong transportasyon.

Nauna rito, kumalat sa social media ang isang post na may sexualized na pahayag tungkol kay Manabat na iniulat na ginawa ng driver matapos magbahagi ng larawan kasama ang aktres. Bagamat na-delete na ang account, may mga screenshot na patuloy na kumakalat online.

Advertisement

Nagpahayag ng intensyon si Manabat na magsampa ng kaukulang kaso at iginiit na hindi dapat ituring na simpleng biro ang ganitong klase ng pambabastos sa kababaihan.

Samantala, sinabi ng Grab Philippines na agad nilang inilagay sa preventive suspension ang driver-partner at humingi ng paumanhin sa aktres, na tinawag nilang “unacceptable” ang insidente.

Inatasan din ng LTFRB ang LTO, MMDA, at PNP-HPG na hulihin at impound ang sasakyan ng driver kung ito ay patuloy na mag-ooperate bilang pampublikong transportasyon. Itinakda ang pagdinig sa kaso sa Abril 28 kung saan bibigyan ang driver ng pagkakataong magpaliwanag.

Advertisement